MANILA, Philippines — Bangkay na nang maiahon ng mga awtoridad ang isang construction worker matapos na malunod nang mag-dive sa ilog sa kasagsagan ng bagyong Carina sa Lungsod Quezon nitong Miyerkules.
Alas-8:40 na ng gabi nitong Huwebes nang matagpuan ang biktimang si Randolf Corpuz Wite, 28, Sitio Veterans Village, Brgy. Bagong Silangan, Quezon City.
Unang nakatanggap ng tawag si BPSO Wilson Zubiano, miyembro ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) na may bangkay na lumutang sa Tumana Dulo Riverbank, Barangay Bagong Silangan, Quezon City.
Sa pahayag ni Rosanna, asawa ng biktima, lasing na lasing ang kanyang mister nang biglang tumalon sa Scandinavian Creek kasabay ng malakas na buhos ng ulan at hindi na nakita pa. Huwebes na ito lumutang.