MANILA, Philippines — Hindi na nakaligtas sa kamatayan ang isang matandang lalaki nang ma-trap sa sunog nang dahil lamang sa pagsisikap na maisalba ang mga mahahalagang dokumento na kaniyang binalikan, sa Barangay Tumana, Marikina City, Biyernes ng madaling araw.
Bukod sa nasawi, isa pang residente ang nagtamo ng 2nd degree burns sa mukha at likod habang isang bumbero ang nakaranas ng hirap sa paghinga bunsod ng nalanghap na usok.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Marikina, nagsimula ang sunog sa isang residential area sa Pipino Street Brgy. Tumana, Marikina alas-2:50 ng madaling araw at naideklarang fire-out makalipas ang mahigit isang oras.
Sa inisyal na ulat, ang biktima na isang senior citizen ay nakalabas na sa nasusunog na tahanan nang balikan pa nito ang mga mahahalagang dokumentong para maisalba.
Pinaniniwalaang nag-collapse ang ikalawang palapag ng bahay nito ang biktima na naging dahilan upang ma-trap ito.
Sa paghahanap sa kaniya ng ilang oras, natagpuan ang bangkay niya sa katabing apartment na posibleng nagsumikap pang makalabas subalit hindi na nakayanan.
Patuloy pa ang Arson investigators sa pagtukoy sa sanhi ng sunog at sa halaga ng napinsalang ari-arian.