MANILA, Philippines — Apatnapu’t walong mga indibidwal ang nasagip ng rescue team sa tubig baha na dulot ng supertyphoon Carina na pinag-ibayo pa ng habagat matapos na ma-trap sa kanilang tahanan sa Brgy. Doña Imelda, Quezon City
Sinabi ni Philippine Air Force (PAF) Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castilllo, bilang force provider ng Joint Task Force-National Capital Region (JTF-NCR), mabilis na nagresponde ang mga tauhan ng PAF para sagipin ang mga indibidwal na na-trap sa mataas na tubig baha sa nasabing lugar.
Sa pakikipagkoordinasyon sa Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office, ang 520th Air Base Group at 505th Search and Rescue Group ay nag-deploy ng Disaster Response personnel at mga kagamitan sa mga naapektuhang lugar.
Ayon kay Castillo ang mga nasagip na residente ay agad namang ibiniyahe sa evacuation center sa naturang Barangay gamit ang M35 truck ng PAF.
Nitong Miyerkules ay una nang nagdeploy ng rescue personnel ang PAF na sinagip ang mga residente sa mataas na tubig baha sa lungsod ng Pasay.
“The PAF remains on high alert, ready to provide further assistance as needed while the country continues to recover from the typhoon’s impact”, saad pa ni Castillo.
Sa kasalukuyan ay hindi pa rin humuhupa ang tubig baha sa ilang lugar sa Quezon City.