Antas ng tubig sa Marikina River, umabot sa ikatlong alarma
MANILA, Philippines — Nagpatupad na ang Marikina City Government ng forced evacuation sa kanilang mga residente at inilikas sila sa ligtas na lugar kasunod na rin ito nang tuluyan nang pag-apaw ng Marikina River, dulot ng malalakas na pag-ulan dahil sa bagyong Carina at Habagat.
Mismong si Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na ang nagkumpirma na hanggang 2:00PM kahapon ay umabot na sa 20 metro ang antas ng tubig sa Marikina River.
Ito ay nangangahulugang nasa ikatlong alarma na ang ilog, na hudyat na kinakailangan na ng puwersahang paglilikas ng mga residente. Bukas na rin umano ang lahat ng flood gates ng Manggahan.
Sa update naman ng Marikina Public Information Office, dakong 5:30AM nang itaas ang unang alarma sa ilog, matapos na tumaas ang antas ng tubig sa 15 metro. Nangangahulugan ito na kailangan nang maghanda upang lumikas ang mga residente.
Pagsapit naman ng 6:45AM, tumaas ang antas ng tubig sa ilog sa 16 na metro o ikalawang alarma, na nangangahulugan ng boluntaryong paglikas ng mga residente.
Dakong 10:00AM naman nang umabot sa 18 metro ang water level sa Marikina River, na hudyat ng ikatlong alarma.
Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy pa rin ang mga pabugsu-bugsong mga pag-ulan sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa, kaya’t inaasahan na ang patuloy na pagtaas ng tubig sa ilog, gayundin ng mga pagbaha.
Inaasahan namang mananatili muna ang mga inilikas na residente sa mga evacuation center hanggang sa tuluyang humupa ang baha sa kani-kanilang mga tahanan.
Paniniguro ng alkalde, tuluy-tuloy ang paglilikas nila sa mga residente, gayundin ang pamamahagi ng tulong, gaya ng mga pagkain, tubig at mga pangunahing pangangailangan sa mga residente.
Aminado si Teodoro na kakaiba ang naranasan nilang ulan sa ngayon dahil sa ilang oras na tuluy-tuloy na malakas na pag-ulan.
Nanawagan rin si Teodoro ng tulong dahil kailangang-kailangan umano ng mga residente nila sa ngayon ng mga tubig, pagkain, gamot at iba pang mga pangunahing pangangailangan.