MANILA, Philippines — Hinihinalang nakuryente kung kaya’t namatay at natagpuang palutang-lutang sa tubig-baha ang isang driver sa Tondo, Manila kahapon ng hapon.
Ang biktima ay nakilalang si David Gerona, 32, driver, at residente ng Fourth Estate, Parañaque City.
Batay sa ulat ng Jose Abad Santos Police Station 7 (PS-7) ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-2:30 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktima habang palutang-lutang sa baha, malapit sa isang poste ng kuryente sa tapat ng isang paaralan sa Tayuman St. sa Tondo.
Mismong ang kapatid ng biktima na si Juni Gerona, 32, driver, ang nakadiskubre sa bangkay.
Kaagad namang isinugod ni Juni ang kapatid sa Gat Andres Bonifacio Medical Center ngunit dead on arrival na ito.
Sa natanggap naman na tawag sa telepono ni PCMS August Centeno ng Station Base Desk, inimpormahan umano sila ni Nurse Merlinda Marquez na ang biktima ay namatay matapos na makuryente.
Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Manila Electric Company (Meralco) at pinatay ang suplay ng kuryente upang maiwasan na ang kahalintulad na pangyayari.
Samantala, napaulat na may dalawa pang binatilyo ang nakuryente rin habang naglalakad sa baha sa Malate, Manila.
Kapwa nasa maayos naman umanong kondisyon ang mga biktima na hindi na pinangalanan pa.