MANILA, Philippines — Lumagda sa isang memorandum of agreement (MOA) ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) at Commission on Elections (Comelec) para masiguro ang kaligtasan at paggalang sa mga karapatan ng mga miyembro ng media na magko-cover ng halalan
Ang MOA ay nilagdaan ni Comelec Chairman George Erwin Garcia at PTFoMS Executive Director, Usec. Paul M. Gutierrez.
Ayon kay Gutierrez, sinasalamin ng MOA ang patuloy na pagsisikap ng gobyerno ni Pangulong Marcos na lumikha ng isang ligtas na kapaligiran para sa media sa buong bansa, lalo na sa panahon ng halalan.
Ang MOA na ito ang kauna-unahang kasunduan sa pagitan ng COMELEC, isang independent constitutional body, at ng PTFoMS.
Nais din ng kasunduan na magbigay sa mga media practitioner ng ligtas at protektadong espasyo, na walang labis na panghihimasok upang maisakatuparan nila ang kanilang tungkulin na iulat ang totoo tungkol sa mga balita ng halalan.
Magiging epektibo ngayong Oktubre, sa simula ng pagsusumite ng certificate of candidacy (COCs) at tatagal hanggang sa katapusan ng election period, o hanggang Hunyo 11, 2025 ang MOA.
Sinabi ni Chairman Garcia na sumang-ayon siya sa MOA dahil ang mga poll worker ay nakakaranas din ng katulad na antas ng banta, panggigipit, at pagkawala ng buhay na dinaranas ng mga mamamahayag sa panahon ng halalan.
Anumang media practitioner na ang mga karapatan ay nalabag sa panahon ng sakop ay dapat agad iulat ang insidente sa PTFoMS, na agad makikipag-ugnayan sa COMELEC ukol sa nararapat na hakbang upang tugunan ang insidente.
Ang PTFoMS din ang magiging responsable sa pagpapatunay na ang biktima ay isang lehitimong miyembro ng press at tutulungan ang biktima sa paghahain ng pormal na reklamo sa poll body.