MANILA, Philippines — Pinahahanda na ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang mga kasong isasampa laban sa mga aktibistang nagsunog ng mga effigy habang isinasagawa ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kahapon.
Ayon kay Marbil, naglabas na sila ng paalala na mahigpit ang pagbabawal sa pagsusunog ng effigy subalit sinuway pa rin to ng mga aktibista na miyembro ng Bayan Southern Tagalog.
Nakasaad aniya sa batas na ipinagbabawal ang pagsusunog sa kalsada sa ilalim ng Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act.
Sinunog ng mga grupo ang effigy nina Pangulong Marcos at Vice President Sara Duterte sa Commonwealth Avenue.
“Kung hindi namin kayo mahuli we will file cases sa inyo. Wala naman pong exception ang batas,” Marbil.
Tinitignan din ng kapulisan ang pagsasampa ng kasong paglabag sa environmental laws laban sa mga nagprotesta.
Ayon naman kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nakuhanan nila ng video ang pagsusunog ng mga effigy kaya matutukoy ang mga miyembro nito at magiging ebidensiya sa kanilang isasampang kaso.
Ikinalungkot lang ni Marbil na ang mga pulis ang nakakasuhan at hindi ang mga demonstrador.
Nasa 23,000 pulis ang ikinalat sa SONA kasabay ng pag-ulan at pagra-rally ng mga cause oriented groups.