Seguridad sa SONA kasado na
MANILA, Philippines — Simula bukas, nasa full alert status na ang mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) bilang bahagi ng ipatutupad na seguridad sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 22.
Sa full alert status, sinabi ni NCRPO chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., handa at nakaantabay na ang lahat ng mga police officers at police units, at hindi pinapayagan na mag-leave o magbakasyon ang kanilang mga police personnel.
Aniya, wala pa silang namo-monitor na banta sa seguridad sa SONA at mahigpit na ipatutupad ang “no fly zone” sa bisinidad ng Batasang Pambansa Complex sa Quezon City (QC).
Binigyan diin pa ni Nartatez na magdaragdag pa sila ng 1,000 pulis para sa deployment na manggagaling sa Region 3 at 4A.
Itinanggi ni Nartatez na “overkill” ang deployment ng mga pulis. Aniya, tinatayang nasa 2,000 na mga VIPs, kabilang ang mga diplomats ang bibigyan ng seguridad maging ang mga protesters na nasa 8,000.
Inihayag sa QC Journalist Forum sa QC Hall ni PCapt. Febie Madrid, spokesman ng QC Police District na nasa 6,000 pulis-QC ang ikakalat sa iba’t ibang lugar sa lungsod sa SONA sa Lunes.
Niliwanag ni Madrid na ang tanging mga grupo na nakakuha ng “permit to rally” mula sa QC government ang maaaring magsagawa ng aktibidad sa araw ng SONA.
Sinabi naman ni Dr. Tina Marie Sanchez-Lucilla ng QC Health Department na mayroon din silang mga nakakalat na medical teams upang bigyan ng kaukulang medical attention ang mga nangangailangan sa araw ng SONA ng Pangulo.
Samantala, pinangunahan ni Nartatez ang send off ceremony ng mga contigents sa SONA sa Camp Karingal kahapon ng umaga. Kinabibilangan ito ng puwersa ng QCPD ni PBrig. Gen. Redrico Maranan, Southern Police District ni PBrig. Gen. Leon Rosete, EPD ni PBrig. Gen. Wilson Asueta, Northern Police District ni PBrig. Gen. Rizalito Gapas, Manila Police District ni PBrig. Gen. Tom Ibay, Special Action Force ni PMaj Gen. Mark Pespes, Bureau of Fire Protection, QC Department of Public Order and Safety chief, Ret. Gen. Elmo San Diego at kinatawan ng QC-LGU na si Assistant City Administrator Alberto Kimpo.