Sekyu ng DOJ kinuyog, hinampas sa ulo ng raliyista!
Sinaway sa spray paint
MANILA, Philippines — Sugatan ang isang guwardiya ng Department of Justice (DOJ) matapos na kuyugin at hampasin sa ulo ng isang raliyista na sinaway niya sa planong pag-spray ng pintura sa pader ng ahensiya, na matatagpuan sa P. Faura St. sa Ermita, Manila kahapon ng hapon.
Putok ang likod ulo ng biktima na hindi kaagad nakuha ang pagkakakilanlan matapos na hampasin ng lata ng spray paint ng isa sa mga raliyista dakong alas-5:00 ng hapon.
Kinuyog pa umano ng tatlong raliyista ang guwardiya at pinagtulungang suntukin.
Nauna rito, nagsagawa ng Lagablab protest caravan ang mga naturang raliyista sa tapat ng DOJ. Paalis na sana sila nang isa sa mga raliyista ang nagtangkang mag-spray ng pintura sa pader ng DOJ.
Kaagad naman itong sinaway ng guwardiya, ngunit nagalit ito at hinampas ng lata sa ulo ang guwardiya.
Tinangka pa ng mga raliyista na umalis sakay ng kanilang jeep ngunit kaagad namang nakaresponde ang mga pulis at dinala sa presinto ang nanakit na lalaking raliyista.
Bago nagtungo sa DOJ, una na ring nag-rally ang mga militante, sa pangunguna ng grupong Bayan Timog Katagalugan, sa US Embassy at sa Japan Embassy.
Layunin sana ng mga ito na maghain ng demand letter sa DOJ upang hilingin na umusad na ang kaso na isinampa laban kay Elizabeth Camoral, na isa sa mga sinasabing umano’y biktima ng tinaguriang ‘Bloody Sunday.’
- Latest