Magkasintahan tepok sa salpok ng truck
MANILA, Philippines — Isang magkasintahang rider ang patay matapos na salpukin ng trailer truck habang sugatan ang kasamang menor-de-edad nitong Linggo sa boundary ng Malabon at Caloocan City.
Dead-on-the-spot ang mga biktimang sina John Paul, 29 at girlfriend na si alyas Diane, 18, habang sugatan ang 15-anyos na kapatid ni Diane.
Nasa kustodiya naman ng Malabon City Police ang driver ng truck na si alyas Telesforo, 45, residenteng Dasmariñas, Cavite.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang aksidente dakong alas-2 ng madaling araw sa panulukan ng Dagat-dagatan at Lapu-Lapu Avenue, sa Caloocan.
Mabilis ang patakbo ni John Paul sa motor kung saan angkas si Diane at ang 15-anyos na kapatid ng huli.
Posibleng inakala umano ng mga biktima na hinahabol sila ng mobile car ng Malabon Police Longos Sub-Station 5 dahil mga walang suot na helmet.
Dahil dito dire-diretso sa intersection ang mga biktima bagama’t naka red light na kaya nasalpok ng trailer truck.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at physical injury ang driver ng trailer truck.
- Latest