Kalusugan ng PDLs, tiniyak sa joint administrative order
MANILA, Philippines — May kasunduan na ang mga ahensya ng pamahalaan sa layong pangalagaan ang kapakanan ng kalusugan ng mga persons deprived of liberty (PDLs) o bilanggo sa lahat ng jail facilities ng bansa.
Ang joint administrative order (JAO) na nagtatakda ng National Policy on Promotion and Protection of Health in Jails, Prisons, Custodial Facilities, and Other Places of Detention ay nilagdaan sa pangununa ni Health Secretary Teodoro Herbosa, PhilHealth General Manager Emmanuel Ledesma, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Director Ruel Rivera, DILG Usec Serafin Barreto, Justice Usec Deo Marco at BuCor Director Gregorio Catapang Jr.
Salig sa naturang joint administrative order, bibigyan ng atensiyon ang kalusugan ng mga bilanggo sa kabila ng nararanasan na siksikan sa mga bilangguan at ilagay sa maayos na kalusugan ang mga PDL kung kaya palalakasin nila ang kanilang mga ugnayan.
Kaugnay nito tiniyak ni Catapang, ang 24-oras na serbisyong kalusugan sa persons deprived of liberty (PDLs) sa mga piitan.
Salig aniya sa JAO, awtomatikong kasama ang mga PDL sa National Health Insurance Program at kuwalipikado rin sa PhilHealth Package alinsunod sa Universal Health Care Act ng gobyerno.
Bukod sa hospital at infirmary services, makatatanggap ng bakuna kontra Covid-19, Influenza, Flu at Pneumonia ang mga PDL; operasyon sa mata, mental health seminar, tuberculosis test, pagbibigay kaalaman, cervical at breast cancer sa mga babaeng PDL at marami pang iba.
Samantala, ayon sa BuCor, heart attack ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga PDL, pangalawa ang pneumonia at stroke.
- Latest