‘National security concern’ na -BI
MANILA, Philippines — Itinuturing na ng Bureau of Immigration (BI) na isang “national security concern” ang dumaraming bilang ng mga dayuhang mayroong pineke o falsified Philippine documents.
Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, matagal nang nakikita ng BI na isang national security concern ito dahil hindi lamang aniya paisa-isa ang nahuhuli nila noong mga nakaraang araw.
Inihayag ni Sandoval na sa mga nakalipas na taon ay mayroon silang 10 dayuhang nahuli at nitong nakaraang linggo lamang ay tatlong dayuhan ang nakumpiskahan muli ng mga Philippine documents.
“Nakakabahala po kasi tingin po natin national security concern ito kasi sila po ay hindi eligible na maging Filipino at nawawala sila sa purview ng Immigration kapag sila ay naging Filipino na, may hawak po sila na Philippine documents,” pahayag ni Sandoval, sa panayam ng dzBB Super Radyo kahapon.
Ipinag-utos na rin aniya ni BI Commissioner Norman Tansingco ang pagsasagawa ng individual assessment sa lahat ng biyahero na dumaraan sa immigration.
Nabatid na noong Hulyo 10 lamang, dalawang babaeng hinihinalang pekeng Pilipina, ang nasabat ng BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 habang nagtatangkang sumakay ng isang Cathay Pacific flight patungong Beijing.
Ang isa aniya sa mga nahuling pasahero na 61-anyos na, ay nakapagpakita pa ng balidong Philippine passport at birth certificate, ngunit napuna ng mga immigration officers na nang irehistro ito ay noon lamang 2002, kung kailan siya ay 39-anyos na.
Ang isa pang pasahero ay nagtangka pa umanong dumaan sa hiwalay na immigration counter ngunit ni-refer din for further assessment kahit nakapagpakita ng Philippine passport, Philippine driver’s license at UMID ID.
Ani Tansingco, hinala nila na ang dalawang babae na inaresto, ay kapwa Chinese nationals.
“This seems like another case of fraud, wherein foreign nationals are able to secure Philippine documents through illegal means,” aniya pa.
Una ring iniulat ng National Bureau of Investigation na nakadiskubre sila ng halos 200 pekeng birth certificates na inisyu sa mga dayuhan, na karamihan ay mga Chinese nationals, sa civil registry sa Sta. Cruz, Davao del Sur.