Chinese nagpakilalang Pinoy sa NAIA, naharang
MANILA, Philippines — Naharang ng mga tauhan ni Vincent Bryan Allas, hepe ng Border Control Intelligence Unit (BCIU) ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang isang Chinese national na pinauwi sa Pilipinas matapos na pumuslit patungong Myanmar.
Nataranta ang mga opisyal ng imigrasyon matapos ipakita ni alyas “King” ang kanyang sarili bilang isang Filipino sa arrival inspection, sa kabila ng pagiging isang dayuhan nito.
Sinabi ni Allas, na ikinuwento ng Chinese na si alyas “King”, 40, na umalis siya ng bansa noong Hulyo 2023 patungong Thailand gamit ang Chinese passport, na may hawak na permanent residence visa sa ilalim ng RA 7919.
Sinabi nito na ginamit niya ang kanyang Chinese passport gaya ng payo ng kanyang mga recruiter para maiwasan ang pagtatanong tungkol sa kanyang layunin sa paglalakbay. Pagdating sa Thailand, tumawid siya sa ilog patungong Myanmar kasama ang tatlong iba pa.
Ikinuwento niya kung paano siya binayaran lamang ng isang buwan, ngunit pinarusahan siya nang maglaon. Pinalaya naman siya matapos bayaran ang kanyang mga recruiter ng 20,000 baht o higit sa P32,000, ngunit inaresto ng Thai immigration at pinigil ng 3-buwan.
Sinabi ni King na natakot siya na ma-deport siya sa China kung gagamitin niya ang kanyang Chinese passport, at idineklara niyang hindi pa siya nakabalik sa China mula nang dalhin siya ng kanyang ina sa Pilipinas noong siya ay anim na buwang gulang. Ang kanyang ina ay isang permanent residence holder sa Pilipinas, habang ang kanyang ama ay isa umanong naturalized Filipino.
Binigyan siya ng Philippine travel document ng Philippine Embassy sa Bangkok at ipinatapon sa Pilipinas.
- Latest