P8 milyong iligal na droga nasamsam sa Maynila
MANILA, Philippines — Isang lalaking ‘tulak’ ang dinakip nang masamsam ang halos P8-milyong halaga ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Sampaloc, Maynila nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Brown”, 33, residente ng Prudencio St., Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni PLt. Colonel Brillante Bilaoac, hepe ng Sampaloc Police Station, dakong alas- 9:25 ng gabi kamakalawa nang isagawa ng Sampaloc Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni Police Major Giljohn Lobaton, ang buy-bust sa isang bahay sa Prudencio St., sakop ng Barangay 484, Zone 48.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang 1,125 gramo ng pinaniniwalaang shabu na may standard drug price na 7,650,000.00; boodle money na 109 pirasong one thousand bills at isang genuine peso bill na ginamit sa pagbili ng iligal na droga; isang bundle ng plastic sachet; at hand bag na pinaglagyan ng iligal na droga.
Ayon kay Billaoac, ito na ang pinakamalaking nakuhang iligal na droga ng MPD sa isang operasyon lamang, sa loob ng taong ito.
Patuloy pang iniimbestigahan ang suspek upang matukoy ang background nito, mga kasabwat at source ng iligal na droga.
“As per record with regards sa illegal drugs operation dito sa MPD, ito ang pinakamalaking accomplishment in so far as illegal drugs is concerned,” ani Billaoac.
Ikinasa ang operasyon batay sa mga impormasyong nakuha rin sa mga iba pang naunang mga dinakip sa drug operation.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa section 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
- Latest