MANILA, Philippines — Himas rehas ngayon ng isang security guard nang tangkain sunugin ang binabantayang online bingo outlet na kanyang pinagnakawan Huwebes ng umaga sa Valenzuela City noong Huwebes ng umaga.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang dalawang ulit na pagkuha ng suspek ng pera sa vault na aabot sa halagang P800, 000 sa pinagtatrabahuhang online bingo na matatagpuan sa Paso de Blas, Valenzuela City.
Upang hindi umano mabisto ang ginawang pagnanakaw, sinunog ng suspek ang ilang bundle ng pera, at saka nagreport sa mga barangay tanod na nasusunog ang kanyang pinagtatrabahuhang online bingo bandang alas-7 ng umaga.
Mabilis namang nagresponde ang mga tanod at naapula ang apoy kung saan maliit na bahagi lamang ng opisina ng kahera ang natupok.
Inireport sa pulisya ng mga nangangasiwa ng online bingo sa pulisya ang nawawalang P800,000.00 kaya agad na siniyasat ang CCTV footage.
Doon na ay nadiskubre ang pagnanakaw at pagsunog ng sekyo sa tanggapan ng kahera.
Inamin naman ng suspek ang pagnanakaw at saka itinuro ang pinagtaguan niya ng bundle na pera na nagkakahalaga ng P250,000 na bahagya nitong sinunog sa planong tangayin sa mga susunod na araw.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek.