MANILA, Philippines — Arestado ang isang 24-anyos lalaki na sinasabing nangarnap ng motorsiklo at nakumpiskahan pa ng granada nitong Biyernes sa Quezon City .
Ayon kay Quezon City Police District Anti-Carnapping Unit (DACU) chief, PLt. Col. Hector Ortencio nadakip si Johairie Cabiran, 24, ng Kasiglahan, Rodriguez, Rizal habang tugis ang kasabwat nito na si alyas “Raprap” ng Pasay City.
Batay sa pagsisiyasat, Hunyo 28 nang nagreklamo ang biktima sa DACU kaugnay sa pagkawala ng kanyang Honda Click 125 na motorsiklo na nakaparada sa harap ng kanilang bahay sa No. 3 Charles St., Doña Faustina II, Brgy. Culiat, Quezon City.
Agad namang nagsagawa ng sunod-sunod na follow-up operations at backtracking ng mga CCTV camera sa lugar ang pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek.
Bandang alas-2 ng hapon nitong Biyernes nang namataan ang mga suspek na sakay ng SUZUKI Raider sa Pasay City patungo sa Quezon City kaya sinundan ng mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto kay Cabiran habang nakatakas naman si Raprap.
Nabawi kay Cabiran ang isang itim na bag na naglalaman ng ilang kagamitan at isang hand grenade, maging ang ninakaw na motorsiklo.
Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa R.A. 10883, o ang New Anti-Carnapping Act of 2016, habang karagdagang paglabag sa R.A. 9516 o Unlawful Possession of Explosive ang isasampa kay Cabiran sa Quezon City Prosecutor’s Office.