MANILA, Philippines — Pinangunahan nina First Lady Liza Marcos at dating First Lady Imelda Marcos ang pagpapasinaya sa bagong “The Shoe Museum” sa Marikina City.
Sa Instagram post ni First Lady Marcos, makikita ang opisyal na relaunching sa publiko sa dating kilala sa tawag na “Footwear Museum of Marikina”.
“I was totally impressed with the draftsmanship of our local shoemakers. Ang galing ninyo,” pahayag ni First Lady Marcos.
Ipinakita rin ng Unang Ginang ang mga sapatos na gawa sa Marikina.
“Congratulations on the movers and shakers behind the Marikina Shoe Museum. Truly proud of what you have accomplished,” sinabi pa ng Unang Ginang
Sa pagtungo nina FL Araneta-Marcos at dating Unang Ginang Marcos kamakalawa sa Marikina, muling nasilayan ang mga pamosong koleksiyon ng mga sapatos ng dating Unang Ginang na naka-display sa makasaysayang Marikina Shoe Museum.
Ang naturang shoe museum na siyang nag-iingat ng tinatayang 800 pares ng sapatos na koleksiyon ng dating Unang Ginang, ay sumailalim sa ilang upgrades sa ilalim ng superbisyon ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro.
Mismong si Marikina First District Rep. Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang sumalubong kina First Lady Liza at dating First Lady Imelda sa shoe museum at siya na rin ang nagsilbing guide ng magbiyenan sa ginawang paglilibot sa loob ng newly rehabilitated museum.
Ayon kay Mayor Marcy, mahalagang mapreserba ang mga cultural landmarks, gaya ng Marikina Shoe Museum.
“This museum is not just a repository of footwear; it is a testament to the artistry and craftsmanship of the Filipino people,” anang alkalde. “It stands as a symbol of our rich history and our continuing journey as a nation,” dagdag nito.