Driver sumuko, 2 ex-pulis inginuso
MANILA, Philippines — Lumabas sa ginawang autopsy ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga labi ng magnobyong sina Pampanga beauty queen Geneva Lopez at Israeli Yitzhak Cohen na nagtamo ng tig-dalawang tama ng bala sa katawan na kanilang ikinasawi bago sila ibinaon sa lupa sa Capaz, Tarlac.
Ayon sa NBI, si Lopez, 27-anyos ay may tama ng bala sa dibdib na naglagos sa kanyang likod, at isa sa kaniyang hita, samantalang si Cohen, 37-anyos, ay nakitaan ng tama ng bala sa dibdib na nasa harapan ang entrance at tumagos din sa likod at isa pang tama sa bandang kilikili nito.
Kahapon ay na-cremate na ang mga labi ni Lopez habang nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa Israel Embassy sa Manila para tulungan ang pamilya ni Cohen na mauwi ang bangkay nito sa Israel.
Nabatid naman na dahil sa pagsuko ng isang hindi pinangalanang SUV driver, natunton ang pinaglibingan sa bangkay Lopez at Cohen na kapwa nahukay sa isang quarry site sa Brgy. Sta Lucia, Capas, Tarlac noong Sabado.
Dahil dito, sinabi ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Major General Leo Francisco na nagkaroon ng “breakthrough” sa kanilang imbestigasyon kasunod ng pag-surender ng nakonsensyang SUV driver at itinuro rin nito ang dalawang dating pulis na may kinalaman sa krimen.
Sinabi ni Francisco, na ang driver na tinukoy lamang sa pangalang Jess ay isa sa mga “persons of interest” sa kaso.
Hindi umano makatulog ang SUV driver sa surot ng konsensya kaya sumurender sa mga awtoridad at itinuro kung saan inilibing si Lopez at fiancé nito na si Yitzhak Cohen matapos ang dalawang linggong pagkawala.
Ang nasabing dalawang dating pulis na pawang nag-AWOL (Absent Without Official Leave) sa serbisyo ay siya umanong nag-hire kay alyas Jess, na gagawin namang state witness ng PNP-CIDG sa krimen.
Ang dalawang pulis-AWOL ay naaresto noong Sabado, isa rito ay nasakote sa illegal possession of firearms.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, ang dalawang dating pulis ay nasa kustodya na ng CIDG at sumasailalim sa imbestigasyon.
Inihayag naman ni PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo na limang persons of interest pa ang sangkot sa pagpatay sa magnobyo.
Base naman sa nakuhang impormasyon ng mga awtoridad kay Yaniv Cohen, kapatid ni Yitzhak na ipinoste nito noong nakalipas na Linggo sa Israeli news site Ynet, may umutang umano ng pera sa kaniyang kapatid na maysakit ang ina at nitong Sabado ay sinabi nito na hindi binayaran ang nasabing pagkakautang.
Ang nasabing lalaki umano ang nagsaayos ng dapat sana’y pakikipagpulong ni Yitzhak at Lopez kung saan nangako umano ang may utang na babayaran ng lupa ang kaniyang kapatid na hinihinalang scam na humantong sa malagim na krimen.
Nabatid na si Yitzhak ay pitong taon nang naninirahan sa Angeles City at plano na sanang pakasalan si Lopez.