MANILA, Philippines — Hinamon ng National Press Club (NPC) si Senador Alan Peter Cayetano na pangalanan ang sinasabi nitong 10 istasyon ng radyo na nagsasagawa ng scripted interviews.
Ayon kay Leonel Abasola, presidente ng NPC, dapat linawin ng mambabatas ang alegasyon na makakaapekto sa kredibilidad ng mainstream media.
“I urge the veteran Senator to identify and prove his allegation. Shotgun statements might destroy reputations of respectable media practitioners who are not even privy of their argument,” ani Abasola.
Nag-ugat ang isyu sa mainit na palitan ng salita nina Cayetano at Senator Nancy Binay noong Hulyo 3 sa pagdinig ng Senate Committee on Accounts, na pinamumunuan ni Cayetano, sa mga isyung nakapaligid sa bagong gusali ng Senado.
Si Binay ay dating chairperson ng nasabing komite ngunit nagbitiw pagkatapos ng pagbabago ng liderato ng Senado.
Sa pagdinig, iginiit ni Cayetano na maaaring nagpadala ng mga advance questions ang kampo ni Binay dahil ang ilang mga istasyon ng radyo ay may parehong katanungan.
Nagresulta ito sa pag-walk out ni Binay sa pagdinig at kalaunan ay itinanggi ang mga alegasyon ni Cayetano.
Sinabi rin ni Abasola na ito ang unang pagkakataon na narinig niya ang isang kagalang-galang na mambabatas na tumatawag sa isang babaeng kasamahan bilang “buang” (baliw) at “Marites” (tagapaglaganap ng tsismis) sa isang pampublikong pagdinig, na tinawag niyang “ungentleman” at isang pag-uugali na hindi nararapat para sa isang statesman tulad ni Cayetano.