MANILA, Philippines — Walang naganap na kidnapping sa kababayan ng sinasabing Chinese casino financier na inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Malate, Maynila.
Ito ang niliwanag kahapon ni Atty. Ariel Inton, abogado ni Song Pen Ren alyas “Luo Jie”, 35, na naninirahan sa isang condominium sa Adriatico, Maynila.
“Walang kidnapping na nangyari rito. ‘Yung complainant na si Luo Jing alyas “Jun Cheng” ay humiram ng P200,000 sa kliyente ko para maglaro sa casino. Natalo ito at nagsabi si Cheng na tatawagan ang kanyang mga magulang para bayaran si Jie. Kaya naghintay ang kliyente ko kay Cheng para ibalik ang utang niya,” sabi ni Inton.
Sinabi ni Inton na ito ang dahilan kung bakit naghintay si Jie kay Cheng dahil nangako ang huli na siya ay babayaran nito sa kanyang utang.
“Nung hindi makabayad si Cheng sa kliyente ko, nagsabi si Jie na tutulungan na magtrabaho sa kanyang kaibigan para makabayad sa kanya. Nagkaroon ng trabaho si Cheng dahil kay Jie kaya’t ang dalawa ay umuwi na ng kanilang tirahan noong June 28,” sabi ni Inton.
Kinabukasan anya ay nagtungo ang mga pulis sa condo ni Jie at nagsabi na iniimbitahan sa pulisya para sa ilang katanungan at dahil kilala ni Jie ang mga pulis na nag-imbita sa kanya ay sumama siya sa himpilan ng pulisya sa Maynila.
“Laking gulat ng kliyente ko ‘nong nasa police station dahil bigla siyang ikinulong doon at pinagtataka ko kung bakit kinalbo agad siya sa istasyon ng pulis at kinasuhan ng kidnapping, gayung wala namang pagkidnap ang nangyari dahil nagpautang lang ng pera ang kliyente ko, “dagdag ni Inton.