Publiko pinag-iingat vs pekeng tauhan ng PNP IAS
MANILA, Philippines — Pinag iingat ni PNP Internal Affairs Service (IAS) Inspector General Atty. Brigido Dulay ang publiko laban sa mga pekeng tauhan ng IAS.
Ayon kay Dulay, nakatanggap sila ng impormasyon na may mga taong nagpapanggap na mga pulis ng IAS at nangongolekta ng pera kapalit ng protection at facilitation services.
Sinabi ni Dulay na nakikipagtulungan na ang IAS sa mga kinauukulang tanggapan ng PNP para mahuli ang mga impostor.
Binigyang diin ni Dulay na hindi trabaho ng IAS ang makipagtransaksyon sa publiko para hadlangan ang lehitimong law enforcement activities.
Sinabi ni Dulay na sinumang magpapanggap bilang kanilang opisyal na masasangkot sa protection raket ay mahaharap sa estafa sa ilalim ng Sec. 135 ng Revised Penal Code at Usurpation of Authority sa ilalim ng Section 177 ng Revised Penal Code.
Payo ni Dulay sa publiko na maging mapanuri sa kanilang mga nakakatransaksiyon upang hindi mabudol.
Ginagawa ng mga kriminal ang lahat ng paraan upang makapanloko.
- Latest