Kita ng tricycle drivers sa Quezon City, tumaas ng halos 50%
MANILA, Philippines — Tumaas ng halos may 50 percent ang kita ng mga legitimate tricycle driver ng Quezon City sa kada araw nilang pamamasada dulot nang ipinatutupad na ‘No Plate, No Travel’ policy ng Land Transportation Office (LTO) sa QC mula July 1.
Mula sa dating average na P800 daily income, umaabot na ngayon sa P1,200 ang kada araw na kita ng mga legitimate tricycle drivers sa pamamasada lalo na sa mga lugar malapit sa malls.
Ang pinaigting na polisiya ay batay sa napagkasunduan kamakailan ng LTO at ng QC LGU kasama ang QC Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) na mabigyan ng plaka ang lahat ng mga tricycle na lehitimong may ruta at rehistrado sa ahensiya.
“Makakaasa kayo ng tuluy-tuloy na operasyon—mula araw hanggang gabi— para maitama natin ang maling gawain ng mga colorum operators at protektahan ang interes ng mas marami nating mga kababayang drivers at operators na gumagawa ng tama,” sabi ni LTO chief Vigor Mendoza.
Una nang nasolosyunan ng LTO ang halos 3,000 backlog sa license plates ng mga tricycle sa Quezon City.
Noong July 1, may 38 tricycles ang nahuli sa unang araw ng pagpapatupad ng ‘No Plate No Travel Policy’.
Pinasalamatan din ni Mendoza si QC Mayor Joy Belmonte gayundin ang TODA leaders at members sa patuloy na pakikiisa sa layunin ng LTO na mawalis ang mga colorum vehicles sa QC.
- Latest