MANILA, Philippines — Tinutugis ng mga awtoridad ang driver ng isang puting pickup truck matapos nitong pagbabarilin ang mga sakay ng isang kotse na nakaalitan nito sa daan na ikinasugat ng isang overseas Filipino worker (OFW) kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanang paa at kanang hita ang biktimang si Kimrana Hamidul, 38, isang OFW ng Zamboanga City.
Batay sa report ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-6 ng gabi nang magpang-abot ang kotseng sinasakyan ng biktima at pickup truck ng suspek sa harap ng Ma Mon Luk restaurant sa Quezon Avenue, Brgy. Doña Josefa.
Lumalabas na sakay ang biktima ng Toyota Vios patungo sa direksiyon ng QC Circle kasama ang limang iba pa kabilang ang dalawang menor-de-edad nang magulat nang bigla silang banggain ng pickup truck na Nissan Navara at natanggal ang side mirror ng kanilang sasakyan.
Sa halip na huminto, umarangkada pa rin ang driver ng pickup truck kaya hinabol ito ng mga biktima. Sa tapat ng naturang restaurant inabutan ng mga biktima ang suspek at iniharang ang kanilang sasakyan sa pickup truck.
Dito na bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ng ilang beses ang sasakyan ng mga biktima at nahagip ng mga bala si Hamidul.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek patungong Araneta Ave.