Ama binaril sa harap ng anak, todas

Hindi na naisalba pa sa pagamutan ang biktimang kinilalang si Ro­berto Ansaldo Pinesa, may asawa at residente ng Brgy. Matabungkay, Lian, Batangas.
Image by Rudy and Peter Skitterians from Pixabay

Habang kumakain sa canteen

MANILA, Philippines — Binaril sa harap mismo ng anak nito ang isang 56-anyos na tatay habang magkasabay ang mag-ama na nag-aalmusal sa isang kantina na katabi ng sabungan kamakalawa sa Brgy. Patutong Malako North, Tagaytay City.

Hindi na naisalba pa sa pagamutan ang biktimang kinilalang si Ro­berto Ansaldo Pinesa, may asawa at residente ng Brgy. Matabungkay, Lian, Batangas.

Hindi naman nakilala ang salarin na mabilis na tumakas matapos barilin ang biktima sakay ng kulay sky blue na kotseng sedan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-8:30 ng umaga habang nag-aalmusal ang biktima kasama ang anak na si Lando sa isang canteen na katabi ng Tagaytay cockpit arena nang dumating ang nag-iisang suspek sakay ng kotse.

Pagkababa sa sasakyan, diretsong lumapit ang suspek sa biktima at walang sabi-sabing binaril bago mabilis na tumakas.

Agad namang naitakbo sa Mendez Specialist Hospital ang biktima subalit idineklarang patay ng mga doktor.

May hinalang dahil sa sabong ang motibo sa pagpatay.

Show comments