Iwas gulo, pinsala
MANILA, Philippines — Upang maiwasan ang pinsala dulot ng basaan tuwing kapistahan ni San Juan Bautista, magtatakda na ng “basaan zone” ang San Juan City sa pagdiriwang Wattah Wattah! Festival.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, bubuo sila ng regulasyon para sa taunang kapistahan ng kanilang Patron Saint upang maiwasan ang katulad na pangyayari kung saan isang delivery rider ang binasa at binatukan pa ng isang residente nang manlaban ito.
Sinabi ni Zamora na ang kahabaan ng Pinaglabanan Street sa pagitan ng N. Domingo at P. Guevara ang itatalagang “basaan zone”.
“Next year, we will allow the activity to be held only in that area. Water dousing in other areas outside that zone will not be allowed,” ani Zamora.
Aniya, napag-usapan na nila ni Vice Mayor Angelo Agcaoili ang paggawa ng ordinansa para sa pagdiriwang sa susunod na taon na kailangan ding ikunsidera at balansehin dahil tradisyon na ang Wattah Wattah festival.
Nabatid na naghain ng reklamo sa San Juan Prosecutors Office nitong Biyernes ang complainant na si Eustaquio Rapal, ang rider na naperwisyo sa basaan.
Binigyan diin ni Zamora na may umiiral na ordinansa ang lungsod noong 2018 na nagbabawal sa hindi maayos na ikikilos sa pagdiriwang tulad ng hindi maaring puwersahin na buksan ang mga sasakyan, maging pribado o public utility o manakot ng mga dumaraan.
Bukod dito isinasaad sa Revised Penal Code na may parusa sa direct assault, serious physical injury, at malicious mischief.
Hinimok naman ng alkalde ang mga napinsala o naperwisyo sa nakaraang selebrasyon na magtungo sa kanyang tanggapan at magdala na rin ng larawan o video ng pangyayari upang matukoy ang responsable.