Lalaking sinita sa lakas ng busina, pumatay

Hindi na naisalba pa ng mga doktor sa Gen. Trias Medical Center ang buhay ni alyas Jay habang tugis naman ang suspek na kapitbahay ng biktima at may ari ng Toyota Fortuner na may plakang DAI 7670.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Nagsasagawa ng manhunt operation ang pulisya laban sa isang lalaki na bumaril at nakapatay sa kanyang kapitbahay nang sitahin dahil sa lakas ng pagbusina kamakalawa ng gabi sa Gen. Trias City, Cavite.

Hindi na naisalba pa ng mga doktor sa Gen. Trias Medical Center ang  buhay ni  alyas Jay habang tugis naman ang  suspek na kapitbahay ng biktima at may ari ng Toyota Fortuner na may plakang DAI 7670.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang krimen bandang alas-9 ng gabi  sa harap ng bahay ng  biktima sa Brgy. Alingaro, Gen.Trias City. Bago ito, nasa loob  na ng kanilang bahay ang biktima. Dumating ang suspek at pumarada sa tapat ng bahay ng biktima at sunud-sunod umanong bumusina kaya lumabas ng bahay ang una at kinompronta ang huli.

Dito ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang  biktima at suspek  hanggang sa bumunot ng baril ang huli at pinagbabaril ang biktima na duguang bumulagta.

Kahit nakabulagta na ay bumaba ang  suspek ng sasakyan at nilapitan ang biktima at muling pinagbabaril saka mabilis na tumakas.

Show comments