11 ‘tulak’ laglag sa NPD
MANILA, Philippines — Laglag sa mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang 11 ‘tulak’ sa magkakahiwalay na operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng nasa halos P.8 milyong halaga ng shabu sa loob ng isang linggo sa CAMANAVA area.
Sa operasyon ng Valenzuela City Police sa ilalim ni PCol. Nixon Cayaban, nadakip dakong alas 8:20 kahapon ng umaga sa Santolan Service Road, Brgy. Gen. T. De Leo sa buy-bust operation si alyas Jhay-R Panga, 44 at nakuhanan ng 25 gram ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P170,000.
Nauna rito, isang buy-bust operation din ang ikinasa ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ng hepe nitong si PMajor Jeraldson Rivera na nagresulta sa pagkakahuli kina alyas Leinard, 22; alyas Jonathan, 41; alyas Otep, 41; at alyas Joven, 28.
Nabatid na nakatanggap ng tip ang mga awtoridad hinggil sa iligal na aktibidad ni ‘Leinard’ sa pagbebenta ng illegal na droga.
Bumuo ng team ang DDEU at ikinasa ang buy-bust operation dakong alas-3 ng madaling araw nitong Huwebes sa Malolos Ave. East, Bagong Barrio, Caloocan at nagresulta sa pagkakahuli kay ‘Leinard’. Binitbit din ang tatlo pa nang maaktuhang sumisinghot ng shabu sa loob ng naturang bahay.
Nakuha sa mga suspek ang humigi’t kumulang 61.27 grams ng shabu na may standard drug price value na P416,636.00, buy-bust money at mga drug paraphernalia.
Nakalawit naman ng mga tauhan ni Malabon City Police chief PCol. Jay Baybayan sina Alyas Cristy, 47; alyas Tony, 56; alyas Anjho, 37 at alyas Ross, 35 sa magkasunod na anti-illegal drugs operation sa lungsod.
Sina alyas Cristy at alyas Tony ay nakuhanan ng nasa P85,000.00 halaga ng shabu sa C-4 Road, Brgy. Tañong habang nasa P68,000.00 naman ang halaga ng shabu na nakumpiska kina alyas Anjho at alyas Ross sa panulukan ng Gen. Luna at Celia 1 Sts., Brgy. Bayan Bayanan dakong ala-1 ng madaling araw nitong Miyerkules.
Samantala, hindi rin nakaligtas sa checkpoint ng mga tauhan ni Caloocan City Police chief PCol. Paul Jay Doles ang magka-angkas na motorcycle rider nang makuhanan ng shabu na nagkakahalaga ng P40,800.00.
Napag-alaman na nagsasagawa ng checkpoint ang mga pulis nang sitahin ang dalawa dahil sa kawalan ng suot na helmet.
Sa halip na huminto, pinaharurot pa ng dalawa ang motorsiklo subalit nasukol din ng mga pulis.
Ayon naman kay NPD Director PBGen. Rizalito Gapas, ang pagkaka aresto ng mga suspek ay bunsod ng pinaigting na kampanya at pagpapatrolya ng mga pulis laban sa ilegal na droga.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
- Latest