MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa P2.7 milyong halaga ng iligal na droga ang nasamsam ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) sa loob ng isang linggo.
Ayon kay SPD Director PBGen. Leon Victor Rosete, 44 operasyon ang naisagawa mula Hunyo 19 hanggang Hunyo 25 na nagresulta sa pagkadakip ng nasa 58 katao na nahulihan ng 404.79 gramo ng shabu at 3.6 gramo ng marijuana na may kabuuang halaga ng P2,753,004.00.
Patunay aniya ito na patuloy lang ang paglaban sa iligal na droga sa kanilang nasasakupan at pagpapanatli ng kaayusan.
Samantala, nitong Hunyo 26, halos P800K pang iligal na droga ang nasabat sa dalawang magkahiwalay na buy-bust operation sa Parañaque at Muntinlupa at nagresulta sa pagdakip sa limang ‘tulak’.
Alas-5 ng madaling araw kahapon (Miyerkules) nang maaresto sina alyas “Jerico” 28; alyas “Julie, 27; alyas “Asnawi”, 27; alyas “Abigail”, 30 na nakuhanan ng 65 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P442,000.00 sa Santiago St., Barangay Baclaran, Parañaque City.
Kasunod naman nito, alas-9:33 ng umaga nang madakip ang isang alyas “Totoy”,36, at nasabat ang 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000.00 , sa Purok 1 Block 10, Brgy. Bayanan, Muntinlupa City.
Ang mga suspek ay isasailalim sa inquest proceedings sa paglabag sa sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).