Utol ng katrabaho minanyak, obrero kinatay

MANILA, Philippines — Patay ang isang construction worker nang pagsasaksakin ng kanyang katrabaho kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Dead-on-arrival sa Rosario Maclang Memorial Hospital ang biktimang si Analito Mergullas Penados, 49, residente ng No. 21 Saret Street, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Arestado naman ang suspek na si Jose Mark Espinosa Lobrio, 31, ng No. 264 Unit 4, Riverside Ext., Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi nitong Martes sa bahay ng suspek.

Bago ito, nag-iinuman ang suspek kasama ang mga kamag-anak at biktima nang mapansin ng una ang paghimas ng biktima sa hita ng kanyang kapatid na babae na si alyas Ana.

Kasunod nito, agad na kumuha ng kutsilyo ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabilis namang dinala sa ospital ang biktima subalit namatay din.

Tinangka pa ng suspek na tumakas subalit naaresto rin ng mga tauhan ng Batasan Police Station.

Inihahanda na ang kaso laban sa suspek.

Show comments