MANILA, Philippines — Nasagip ng mga elemento ng Philippine Navy ang 15 biktima ng human trafficking sa isinagawang operasyon sa Port of Bongao sa Tawi-Tawi, ayon sa isang opisyal nitong Lunes.
Sinabi ni Lt. Chester Ross Cabaltera, Public Affairs Officer ng Naval Forces Western Mindanao, nagsagawa ang kanilang mga tauhan ng law enforcement operations nitong Hunyo 21-22 matapos na makatanggap ng impormasyon na ang mga biktima ay ibibiyahe ng kanilang recruiter patungong Sabah, Malaysia gamit ang southern backdoor exit ng bansa.
Kabilang sa mga nailigtas ay anim na babae at siyam na kalalakihan na lulan ng M/V Trisha Kerstine II, M/V Everqueen of Asia at P/B Lady Mera na nakadaong sa Port og Bongao ng lalawigan.
Ang operasyon ay isinagawa ng Naval Forces Western Mindanao sa pamamagitan ng Naval Intelligence Operations katuwang ang PNP Tawi-Tawi, Philippine Air Force at maging ang lokal na pamahalaan laban sa Violence Against Women and Children at Municipal Inter-Agency Council Against Trafficking.
Ayon sa opisyal ang mga biktima ay patungo sa Sarawak, Sabah gamit ang backdoor channel nang walang kaukulang mga dokumento para bumiyahe at magtrabaho sa ibang bansa.
Sinabi ng mga biktima na pinangakuan umano sila ng mataas na suweldo ng kanilang recruiter.