MANILA, Philippines — Muli na namang nahulog sa kamay ng batas ang isang 52-anyos na high value individual (HVI) at miyembro ng Tinga Drug Syndicate sa isinagawang buy-bust operation ng Taguig City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU), nitong Hunyo 10, 2024.
Sa kaniyang bahay dinakip ang suspek na si Joel Tinga, sa Barangay New Lower, Bicutan, Taguig City, na muling sasampahan ng reklamong paglabag sa Section 5 at 11 (selling at possession of illegal drugs) sa ilalim ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Si Tinga ay nahatulan ng “reclusion perpetua” sa katulad na kaso noong Setyembre 2016.
Sa ulat, alas-11:40 ng gabi ng Hunyo 14, 2024 nang madakip si Tinga at nasamsam sa kaniya ang walong sachet ng shabu na may kabuuang 53 gramo, katumbas na halagang P360,400.00.Nasamsam din ang buy-bust money.
Umapela sa Court of Appeals (CA) si Tinga kaugnay sa hatol ng noong Setyembre 2016 subalit mas pinanigan ang Regional Trial Court. Nang iakyat sa Supreme Court, nabaligtad ang desisyon noong Mayo 23, 2018 bunga ng procedural breaches at lapses.
Sa mga record ng pulisya, naaresto rin Tinga noong Hunyo 30, 2023, dahil sa pagbebenta at possession ng ilegal na droga.
“Ang muling pagkakaaresto kay Joel Tiñga ay patunay ng dedikasyon ng Philippine National Police na sugpuin ang ilegal na droga sa ating komunidad,” ayon kay Taguig Police chief P/Col. Christopher Olazo.