MANILA, Philippines — Apat na Pinay entertainers na dumanas ng exploitation at nakulong ng isang linggo sa South Korea dahil sa pagtatrabaho ng walang working permit ang nakauwi na matapos silang ipina-deport pabalik sa Pilipinas.
Sa ulat ng Bureau of Immigration (BI)-Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, nitong Hunyo 19 nang dumating sa Mactan Cebu International Airport (MCIA) ang apat na Pinay na illegal na nagtrabaho bilang entertainers sa South Korea, lulan ng Jeju Air flight.
Ayon sa mga biktima, naloko sila ng isang kapwa Pinoy na nag-alok ng trabaho sa kanila patungong sa South Korea. Inutusan umano sila nito na makipagkita sa isang Korean national na siyang mag-aasikaso ng pagproseso ng kanilang mga dokumento sa nasabing bansa.
Lumitaw sa imbestigasyon na gumagamit ang mga biktima ng mobile phone app na Telegram upang makipag-komunikasyon sa kanilang recruiters, na siyang nag-alok sa kanila ng trabaho bilang entertainers sa isang bar, at may pangakong buwanang suweldo na P80,000, hanggang sa mapaso na ang kanilang 59-araw na tourist visa.
Ipinaliwanag naman ni Tansingco na dahil sa kanilang sirkumstansiya, nag-overstay ang mga Pinay at malaunan ay naaresto ng Korean authorities.
Ayon sa isa sa mga biktima, isang kasamahan nilang Thailand national, na may asawang Koreano, ang nagsumbong sa mga awtoridad, na nagresulta sa kanilang pagkaaresto at pagkabilanggo hanggang sa tuluyan silang maipa-deport.
“These women suffered exploitation, and they ended up detained without receiving their rightful wages, all due to deceptive assurances” pahayag ni Tansingco.