6 bata dinukot sa Pasig, 2 suspek arestado
MANILA, Philippines — Nasagip ang anim na batang residente ng Barangay Rosario, sa Pasig City na sakay sa taxi ng mga suspek, Biyernes ng gabi.
Ang mga suspek na inilarawang 45-anyos na taxi driver at isang 47-anyos na lalaking kasabwat ay nakatakdang sampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act).
Isa sa suspek ang sinasabing ka-lugar o residente rin ng mga biktima.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, P/Major General Jose Melencio Nartatez Jr., naalarma ang mga tauhan ng Pasig City Police Station nang mapansin ang kahina-hinalang reaksyon ng mga batang sakay ng kulay puti na taxi, habang nagsasagawa ng “Oplan Sita” sa West Bank Road, alas-11:30 ng gabi kaya pinara ito.
Nag-iiyakan umano ang mga batang sakay ng taxi kaya nila pinara.
Nang tawagan ng mga awtoridad ang mga magulang ng mga bata, hindi nila alam kung saan ang punta ng mga ito.
Pahayag ng mga biktima, niyaya sila na pupunta sa isang lugar para bilhan umano sila ng milk tea.
Nabatid na may blotter na rin sa kanilang barangay kaugnay sa abduction.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente at dalawang suspek na pinipigil sa police station.
- Latest