Kano na sex offender nagpalit ng pangalan, tiklo sa NAIA
MANILA, Philippines — Nabuko ng mga ahente ng Bureau of Immigration Boarder Control Unit (BCIU) ang isang American sex offender na muling pumasok sa bansa matapos na baguhin niya sa kanyang passport ang pangalan at pagkakakilanlan nito.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang pasahero na si Kent Thomas Kuszajewski, 59-anyos na dumating sa NAIA Terminal 1 sakay ng Philippine Airlines flight mula Ho Chih Minh, Vietnam.
Sinabi ni Tansingco na ipinakita ng Amerikano sa opisyal ng BI ang isang pasaporte ng US sa ilalim ng pangalang Blade Tyler ngunit nasa derogartory list ito ng BI sanhi upang hindi siya pinayagan ng mga immigration supervisors na makapasok sa bansa.
Bunsod nito, agad na na-book si Kuszajewski at sumakay sa unang available na flight pabalik sa Vietnam kasunod ng kanyang deportation.
Ibinunyag ni Tansingco na si Kuszajewski, na inaresto at ipinatapon ng BI noong 2015 dahil sa pagiging registered sex offender (RSO), ay nagtangka ring muling pumasok sa bansa sa pamamagitan ng Mactan Airport noong Hunyo 2021. Napag-alamang ginagamit niya ang pangalang Alex Stevens.
Ipinakita ng mga rekord na si Kuszajewski ay dati nang inaresto sa Bacolod City noong Pebrero 2015 matapos ma-tag bilang isang takas dahil sa paglabag sa mga tuntunin ng kanyang probasyon. Siya ay nagtago sa bansa ng walong taon upang makaiwas sa kanyang sentensiya sa kasong third degree sexual conduct.
- Latest