MANILA, Philippines — Sa halip na magpatupad ng taas-singil, magpapatupad ang Manila Electric Co. (Meralco) ng tapyas na P1.96 kada kilowatt hour (kWh) sa singil sa kuryente ngayong Hunyo.
Inianunsiyo ng Meralco ang tapyas na P1.9623/kWh ngayong Hunyo, sa halip na taas-singil na P0.6436/ kWh, kasunod na rin nang pagbibigay ng pahintulot ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa mga power distributors at cooperatives na bayaran ng installment, ang kanilang Wholesale Electricity Spot Market (WESM) purchases noong Mayo ng installment.
Dahil dito, ang generation charge ay nabawasan ng P1.8308/kWh.
Anang Meralco, bunsod ng tapyas, ang overall electricity rate nito ay magiging P9.4516/kWh para sa Hunyo, mula sa P11.4139/kWh noong Mayo.
Nangangahulugan ito nang P392 na tipid sa bayarin ng residential customers na kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan.
Gayunman, nilinaw ni Joe Zaldarriaga, vice president at corporate communications head ng Meralco, na ang delayed payment ng WESM purchases ay kailangan pa ring bayaran ng apat na monthly installments o mula Hunyo hanggang Setyembre.
Inaasahan ding maaantala ang paghahatid ng kasalukuyang electricity bills dahil sa naturang kautusan ng ERC.