MANILA, Philippines — Hinandugan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ng “special treat” ang mga ama ng tahanan nitong Father’s Day, kahapon.
Nabatid na pinagkalooban ng LRTA ng libreng blood pressure monitoring, blood sugar testing, haircut at masahe ang mga tatay na pasahero ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2), bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Father’s Day.
Nabatid na katuwang ng LRTA ang Philippine Red Cross-Marikina Chapter sa pagbibigay ng munting regalo para sa mga tatay, ama, daddy, papa at mga tumatayong ama.
“Ito po ay simpleng paraan ng LRTA para kilalanin at bigyang-pugay ang kanilang mahalagang papel at sakripisyo na ginagampanan sa kanilang mga pamilya at lipunan,” ayon kay LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera.
Nabatid na nagsimula ang mga libreng serbisyo ng LRTA mula 8:00AM at nagtagal hanggang 12:00PM sa Araneta Center-Cubao Station at Antipolo Station ng LRT-2.
Ang LRT-2 ang siyang nag-uugnay sa Recto Avenue sa Maynila at sa Antipolo City sa Rizal.