MANILA, Philippines — Arestado ang isang aktibong pulis nang mabilhan at masamsaman ng P136,000 na halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Parañaque City, Linggo ng madaling araw.
Ang suspek na si alyas “Mac”, 31-anyos, may ranggong police corporal na nakatalaga sa National Police Training Institute (NPTI) ay ipaghaharap ng mga kasong kriminal at administratibo, at may posibilidad na matanggal sa serbisyo.
Sa ulat ng Southern Police District-Parañaque Police Station 3, dakong alas-2:30 ng madaling araw nitong Hunyo 16 nang maaresto ang suspek sa Purok 2, Formost St., BF Homes Parañaque.
Sa imbestigasyon, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Parañaque Police Station-Drug Enforcement Unit kung saan matagumpay na nakabili diumano ang poseur buyer ng shabu sa suspek at tuluyang nasamsaman ng apat na plastic sachet na naglalaman ng kabuuang 20 gramo ng shabu.
Kinumpiska rin sa suspek ang isang kalibre .45 baril na may tatlong bala, na sinasabing hindi naman service firearm.
Bukod sa ihahaing reklamong paglabag sa Sections 5 at 11 (selling at possession) ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, inihahanda na rin ang kasong paglabag sa RA 10591 ( Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) laban sa naturang pulis.