MANILA, Philippines — Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si retired Judge Jaime Santiago bilang director ng National Bureau of Investigation (NBI).
Si Santiago ay nanumpa na sa kanyang puwesto kay Executive Secretary Lucas Bersamin kahapon ng umaga.
Nagsilbi si Santiago sa Western Police District (WPD) mula 1979 hanggang 2000. Nagtapos din siya ng BS Criminology sa Philippine College of Criminology (PCCR) mula 1978 hanggang 1988 at kumuha ng kursong Law sa Manuel L. Quezon University (MLQU-LAW) mula 1989 hanggang 1993.
Nakilala rin siya bilang isang “sharpshooter” mula sa Special Weapons and Tactics (SWAT) noong panahon ng WPD at naisapelikula rin ang kanyang buhay noong 1996.
Naging Criminal Law professor din si Santiago sa Emilio Aguinaldo College, Philippine College of Criminology at sa Emilio Aguinaldo College. Nagsilbi rin siyang acting executive/presiding judge ng Regional Trial Court (RTC) sa Manila at Tagaytay, at dating Metropolitan Trial Court (MeTC) judge sa Maynila.
Agad namang nag-courtesy call sa mga opisyal ng Department of Justice si Santiago kahapon. Kabilang aniya sa kanyang tututukan sa kanyang bagong tungkulin ay ang pagsugpo ng cybercrimes at scammers sa bansa at pabibilisin pa ang proseso nang pagkuha ng NBI clearance.
Ayon kay Santiago, ilan sa marching orders sa kanya ng DOJ ay pagandahin pa ang serbisyo ng NBI at ibalik ang tiwala ng publiko sa ahensiya.