MANILA, Philippines — Binigyang pagkilala ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang katapatan sa serbisyo ng nasa 497 kawani nito.
Magsilbi nawa kayong inspirasyon sa mga bago at mga nakababata nating mga kasama sa ating Pamahalaang Lungsod,” mensahe ni Manila Mayor Honey Lacuna sa mga empleyado sa ginanap na “Gawad Pagkilala sa mga Kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila” sa Metropolitan Theater kahapon.
Pinasalamatan din ng alkalde ang mga awardee sa dedikasyon bilang civil servants sa mahabang panahon na kanilang naiambag sa pagsisilbi sa pamunuan at mga residente na humantong sa kung ano na ang narating ng Maynila sa ngayon.
Kasama ni Lacuna si Vice Mayor Yul Servo sa pagkakaloob ng awards sa mga kawaning nakapagsilbi ng 25 taon, 30 taon, 40 taon at higit pa na may kabuuang 497.
“Sabi nga, marami ang naghahangad na mapabilang sa mga tinatawag na civil servants, ngunit iilan lamang ang nabibigyan ng pagkakataon. Ilang beses na nating napag-alaman na napakatibay maging isang empleyado ng gobyerno dahil sa tinatawag na “security of tenure”,” ani Lacuna.
Aniya, sa panahon ng COVID-19 pandemic, marami ang nawalan ng kita at trabaho lalo na sa pribadong sektor, habang ang mga civil servants ay patuloy pa rin ang sweldo.
Nagbiro pa ang alkalde sa mga magreretiro ngayong taon at sa mga susunod na taon na maaari na nilang sabihin na “goodbye tension, hello pension”.