Hukom sinibak, dinisbar sa pagkolekta ng suweldo ng nagbitiw na driver

MANILA, Philippines — Inutos ng Korte Suprema na matanggal sa serbisyo at ma-disbar ang isang Municipal Trial Court (MTC) judge sa Laguna dahil pagpalsipika ng pampublikong dokumento upang maipagpatulkoy ang pagkolekta sa suweldo ng isang contractual driver na may isang taon nang nagbitiw sa trabaho.

Sa 42-pahinag per curiam­ decision, napatunayan ng Supreme Court en banc na guilty si Calamba City, Laguna, MTC Branch 3 Vice Executive Judge and Presiding Judge Sharon Alamada-Magayanes sa falsification of official documents, serious dishonesty, gross misconduct, commission of crimes involving moral turpitude at paglabag sa New Code of Judicial Conduct.

Inamin ni Alamada-Magayanes na sa kanya ang mga pirma sa payroll regis­ters ng City Government of Calamba na nauukol sa kanyang contractual driver, kung saan pinatunayan niyang ang nasabing dating­ driver ay nag-render ng serbisyo para sa panahong nakasaad roon, bagama’t alam niya na ang driver ay nagbitiw na at hindi na nag-uulat sa kanyang hukuman.

Sa record ng ebidensya, natukoy na hawak ni Alamada-Magayanes ang ATM cash card ng driver at mula Setyembre 2020 hanggang Hulyo 2021, ang mga suweldo ng driver ay naka-credit pa rin sa kanyang cash card at ini-withdraw ayon sa tagubilin ng hukom.

Sa pagsibak sa hukom, sinabi ng SC en banc na ang aksyon ay nagpapakita ng kaniyang moral depravity at kulang sa mga pamantayan ng isang mahistrado ng batas. Ang mga maling sertipikasyon ng Alamada-Magayanes at maling paggamit ng mga suweldo ng kanyang mga tauhan ay isang gross misconduct at serious dishonesty, na parehong ikinukunsiderang serious offenses sa ilalim ng Code of Professional Responsibility and Accountability.

Sinabi ng Korte na ang mga kilos ng hukom ay hindi lamang nakakaapekto sa imahe ng hudikatura ngunit naglagay rin sa kanyang moral na karakter sa malubhang pagdududa at naging hindi siya karapat-dapat na magpatuloy sa pagsasagawa ng batas.

Samantala, napatunayan din na ang mga co-respondent at kawani ng hukom kasama sa nagkasala ng falsification of public documents, kaya isa sa mga empleyado ang pinagmumulta ng P140,000 sa pitong pagkakataon na pinalsipika ang payroll register at isa sa halagang P20,000 sa isang beses na palsipikasyon sa payroll register.

Show comments