LRT-1 & 2 at MRT-3, may libreng sakay ngayong Araw ng Kalayaan
MANILA, Philippines — Magandang balita sa mga train commuters dahil pagkakalooban sila ng libreng sakay ng tatlong panguhahing rail lines sa Metro Manila ngayong Araw ng Kalayaan.
Sa abiso ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2) at ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), nabatid na maaaring i-avail ang free train rides simula 7:00AM hanggang 9:00AM at mula 5:00PM hanggang 7:00PM.
“Bilang ating pagdiriwang ng ika-126 taon ng Araw ng Kalayaan, ang Light Rail Manila Corporation ay magkakaroon ng LIBRENG SAKAY para sa mga pasahero ng #LRT1 sa darating ika-12 ng Hunyo (Miyerkules),” anang LRMC.
Dagdag pa nito, magpapatupad rin ng normal holiday schedule ang LRT-1 kung saan bibiyahe ang unang tren mula Baclaran at Fernando Poe Jr. stations ng 5:00AM at ang huling biyahe ng tren naman ay 9:30PM mula Baclaran Station at 9:45PM mula Fernando Poe Jr. Station.
“Ito pong libreng sakay natin ay taunang aktibidad ng pamunuan ng LRTA bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan,” ayon naman kay Light Rail Transit Authority (LRTA) administrator Atty. Hernando Cabrera.
Ayon naman kay DOTr Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino, ang libreng sakay na kaloob nila ay simpleng paraan ng Department of Transportation (DOTr) at MRT-3 upang gunitain ang Araw ng Kalayaan, na isang napakahalagang okasyon sa ating pagkabansa.
- Latest