Radio reporter kinuyog, sinuntok ng mga miyembro ng Manibela
Sa unang araw ng 3-day strike
MANILA, Philippines — Kinuyog at sinuntok ng mga miyembro ng transport group na Manibela ang reporter ng DZRH na si Val Gonzales habang nagko-kober sa unang araw ng 3-day strike, sa tapat ng LTFRB main office sa East Avenue, Quezon City kahapon ng umaga.
“Kinuyog nila ako at may sumuntok sa akin habang ako ay nagre-report sa protesta nila,” pahayag ni Gonzales.
Agad kinondena ng iba’t ibang press organization ang ginawang pananakit kay Gonzales habang nagre-report sa kasagsagan ng transport strike ng Manibela sa QC.
Bukod sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa pangunguna ni Undersecretary Paul Gutierrez, nagpahayag din ng pagbatikos ang PNP Press Corps, NCRPO Press Club, Defense Press Corps, at QCPD Press Corps sa physical attack na ginawa ng mga miyembro ng transport group na Manibela kay Gonzales habang nagko-cover ng transport strike ng madaling araw.
Ayon kay Gutierrez, sinuntok sa baywang ng isang miyembro ng Manibela si Gonzales habang inire-report na walang motoristang makadaan sa East Ave., at ang traffic jam ay umabot hanggang sa Commonwealth Avenue dahil sa strike.
Nakikipag-ugnayan na rin si Gutierrez kay Quezon City Police District (QPD) Director, PBrig. Gen. Red Maranan upang ipatawag si Manibela chairman Mario Valbuena para pagpaliwanagin sa marahas na gawain ng kanyang mga miyembro.
Maging si DZBB field reporter Allan Gatus ay dumanas din umano ng pananakit ng mga raliyista.
- Latest