MANILA, Philippines — Umpisa na ngayong Lunes ang 3-araw na tigil-pasada ng transport group na Manibela laban sa pagpapatupad ng crackdown sa mga unconsolidated jeepneys na tinamaan sa umiiral na PUV Modernization Program ng pamahalaan.
Ayon kay Manibela President Mar Valbuena, mahigit sa 25,000 tsuper at operators ang inaasahan nilang makikilahok sa transport strike na magtatagal hanggang sa Miyerkules, Hunyo 12.
Layunin ng naturang kilos-protesta na ipakita sa pamahalaan ang kanilang pagtutol sa ginagawang panghuhuli sa mga bumibiyaheng public utility jeepneys (PUJs) na hindi nakapag-consolidate sa April 30 deadline.
Una nang iginiit ni Valbuena na hindi pa dapat nanghuhuli ng unconsolidated vehicles ang mga traffic enforcers dahil may usapan na ang Kongreso at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na huwag munang hulihin ang mga unconsolidated PUJs.
Dagdag pa niya, kailangan din munang mapatunayan na sapat na ang 80% ng consolidated PUJs upang pagserbisyuhan ang mga commuters, partikular na sa Metro Manila.
Bukod sa tigil-pasada, magsasagawa rin ang grupo ng pagkilos sa harap ng tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).