Dagdag honoraria sa mga guro sa 2025 election, isinusulong – Comelec

MANILA, Philippines — Isinusulong ng Commission on Elections (Comelec) na madagdagan pa ang honoraria na ipagkakaloob sa mga gurong magsisilbi bilang mga miyembro ng electoral board at support staff para sa 2025 National and Local Elections (NLE).

Ito ay bunsod na rin umano ng pagdaragdag sa trabaho ng mga guro dahil sa karagdagan ding poll hours.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, isusulong nila sa kanilang budget na magkaroon ng dagdag na honoraria ang lahat ng mga guro ngunit hindi pa tinukoy ang eksaktong halaga nito.

Paliwanag niya, wala namang tax exemption ang mga guro at daragdagan pa ang kanilang trabaho sa eleksiyon, kaya’t marapat lamang na madagdagan ang matatanggap nilang kabayaran.

Nabatid na sa huling automated elections, ang mga miyembro ng electoral board ay tumanggap ng P9,000 honorarium habang P8,000 naman sa mga support staff.

Una na rin namang sinabi ng poll body na plano nilang magpatupad ng early voting hours para sa vulnerable voters sa 2025 NLE, kung saan ang mga persons with disabilities (PWDs), senior citizens, at mga buntis ay papayagang makaboto mula 5:00AM hanggang 7:00AM.

Lumitaw rin umano sa time and motions studies ng Comelec na magkakaroon ng karagdagang lima hanggang anim na oras sa post-processing ng mga balota, na nangangahulugan rin ng dagdag na trabaho sa mga guro.

Tiniyak ni Comelec Spokesman Rex Laudiangco, na siya ring direktor ng Comelec-Education and Information Department (EID), na makatatanggap ng maayos na kumpensasyon ang mga guro sa kanilang pagsisilbi sa darating na eleksyon.

Show comments