MANILA, Philippines — Sisimulan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang panghuhuli ng mga pampasaherong sasakyan tulad ng mga passenger jeep na hindi consolidated.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz, kasama ang Land Transportation Office (LTO) at Metro Manila Development Authority (MMDA) tatlong lugar ang target ng kanilang operasyon laban sa mga non consolidated PUVs.
Binigyang diin ni Guadiz na hindi mabibigyan ng confirmation ng LTFRB ang mga sasakyan na hindi consolidated kaya hindi ito mairerehistro sa LTO at ito ay maituturing nang isang colorum vehicle.
Aniya ang mga colorum vehicles ay hindi maaaring maipasada at magsakay ng mga pasahero.
Ang driver ng unconsolidated vehicle na mahuhuli ay kukumpiskahin ang drivers license, babaklasin ang plaka ng sasakyan at i-impound sa LTO impounding area sa Tarlac.
Una rito, nagbanta ang transport group na Manibela at Piston na muling magsasagawa ng kilos protesta sa Korte Suprema para igiit na magpalabas ng TRO laban sa PUV Modernization. Ang consolidation ang paunang hakbang sa PUV Modernization.