2 lalaki nagpapakalat ng malalaswang video at mga larawan, binitbit ng PNP-ACG
MANILA, Philippines — Hindi na nakapalag pa ang isang lalaki nang arestuhin ng mga tauhan ng Philippine National Police- Anti Cyber Group (PNP-ACG) sa isang fastfood chain sa Malanday, Valenzuela City bunsod ng reklamo ng kanyang dating karelasyon ng pagpapakalat ng kanyang mga malalaswang video at larawan online.
Ayon kay PNP-ACG chief PCol. Jay Guillermo, ginagamit ng suspek na pang-blackmail sa biktima ang mga malalaswa nitong larawan at video para mapilit na muling makipagtalik sa kaniya.
Labis na trauma at galit ang idinulot ng suspek sa biktima.
Samantala, arestado rin sa isinagawang entrapment operations sa Payatas, Quezon City ang isang lalaki matapos na takutin ang isang menor-de-edad na biktima na ipakakalat ang mga malalaswang larawan at video nito kapalit ang salapi.
Napag-alaman na nakuha ng suspek ang mga malalaswang larawan ng biktima mula sa lumang cellphone ng dating nobyo nito matapos i-swap sa tiangge.
Kapwa naharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 ang 2 suspek bukod pa sa magkahiwalay na kasong isasampa laban sa mga ito.
Payo naman ni Guillermo, na burahin ang lahat ng mga larawan o anumang impormasyon sa cellphone kung ito ay ibebenta upang makaiwas sa anumang harassment.
- Latest