HPG iniimbestigahan pag escort sa media influencer
Para makaiwas sa trapik
MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Highway Patrol Group ang insidente ng pag-escort ng kanilang motorcycle cop sa isang social media influencer upang makaiwas sa trapik.
Ayon sa pahayag ng HPG, hindi nila kinukunsinti ang pagkuha o pag “arkila” sa kanilang mga tauhan para maging escort ng media influencer. Labag umano ito sa kanilang protocol at regulasyon.
Aalamin nila kung sino ang escort ng content creator at sino ang koneksiyon nito sa HPG.
Nabatid na nagawa pang i-post ng content creator sa kanyang Instagram Story ang ‘special treatment’ kung saan nagpahayag pa ito ng pasasalamat sa kanyang asawa na umano’y kumontak sa HPG.
Ilang netizen ang mabilis na na-grab ang larawan na may caption na: “How can I settle for less when my husband hired an HPG escort para lang hindi ako ma-traffic sa pupuntahan ko? (plus, I have my own driver and car),”.
Sa ngayon ay tinanggal na ng content creator ang kanyang post.
“We will file the necessary cybercrime-related offenses [against] those individuals who will post any malicious statement that will malign/tarnish the image of the HPG and the possible criminal and administrative charges for our personnel”, sa pahayag ng HPG.
Matatandaang nagbabala na si PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil laban sa mga nagsisilbing escort ng ilang sibilyan upang makaiwas sa matinding trapik.
Kasunod ito ng pagkakaaresto ng HPG na nag escort sa isang luxury vehicle sa Parañaque.
- Latest