Plebisito idaraos sa Las Piñas City
MANILA, Philippines — Magdaraos ng plebisito ang Commission on Elections (Comelec) sa lungsod ng Las Piñas City sa Hunyo 29, 2024 upang malaman ang damdamin ng mga residente kung sang-ayon o hindi sa ordinansang nagtatakda sa territorial boundaries ng 20 barangay nito.
Sa isang advisory ng lokal na pamahalaan nitong Biyernes, gaganapin ang plebisito alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Umiiral naman ang gun ban simula pa noong Mayo 28 na tatagal hanggang Hulyo 6, habang ang liquor ban ay ipatutupad sa Hunyo 28 at 29, 2024.
Ang Ordinance No. 1941-23 Series of 2023 ay naglalarawan sa mga hangganan ng teritoryo ng 20 barangay sa lungsod alinsunod sa cadastral survey ng Department of Environment and Natural Resources na natapos noong Marso 2015.
Nakasaad sa ordinansa na mula nang likhain ang mga barangay noong 1978, ang mga teritoryo at hangganan ng mga nasabing barangay ay hindi pa natutukoy nang maayos kung kaya’t may mga barangay na ang mga lupain ay hindi magkakadikit at/o naka-overlap sa ibang barangay.
Dagdag pa rito, ang mga tanggapan ng lokal na pamahalaan sa Las Piñas at ilang mga ahensya ng pambansang pamahalaan tulad ng Department of the Interior and Local Government, Department of Budget and Management, Philippine Statistics Authority, at Comelec ay bibigyan ng tatlong taon mula sa ratipikasyon ng ordinansa upang makagawa ng mga naaangkop na pagbabago sa kani-kanilang mga talaan upang umayon sa mga bagong hangganan at hurisdiksyon ng mga barangay.
- Latest