Iskul na may elevator, modern amenities itatayo sa Tondo

MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Manila City Honey Lacuna ang isinagawang groundbreaking ceremony para sa itatayong modernong Isabelo delos Reyes Elementary School sa bahagi ng District 1 sa Tondo, Maynila.

Sinabi ng alkalde na maaaring makumpleto na ang 6-na palapag na gusali sa loob ng isang taon.

Ani Lacuna, prayoridad niya na maging komportable ang mga mag-aaral at mga guro.

“Siyempre, nais din natin itong magsilbing inspirasyon sa ating mga batang Manilenyo upang sipagin pang lalo na pumasok sa paaralan, mag-aral upang palaguin ang kanilang kaalaman at kasa­nayan. Ito ay regalo natin para sa mga taga-Isabelo delos Reyes­ ­Elementary School at sa lahat pang mga batang Tondo na gagawi at mag-aaral dito,” sabi ni Lacuna.

Nabatid kay City Engineer Armand Andres na ang planong bagong gusaling paaralan ay magkakaroon ng mga modernong amenities. Magkakaroon din ito ng apat na elevator units, restrooms, faculty room, offices, canteen at roof deck area.

Ang nasabing paaralan ay nasa 9,273 square meter floor area, at magkakaroon ng 49 classrooms, e-room, laboratory,  library,  auditorium at conference room.

Kabilang din sa dumalo sa groundbreaking sina Vice Mayor Yul Servo, City Engineer Congressman Ernix Dionisio (1st district), City Electrician Randy Sa­dac, City Architect Pe­pito Balmoris, Division of Schools Superintendent Rita Riddle, Isabelo Delos Reyes ­Elementary School Principal Marcelo Mislang, mga konsehal ng unang distrito at city officials.

Show comments