MANILA, Philippines — Isang Obispo at pari ang sinasabing nagkasakitan sa loob ng isang simbahan sa Gagalangin, Tondo sa Maynila nitong Miyerkules dahil umano sa ilang isyu na nakuhanan ng CCTV.
Ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP),nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sina Novaliches Bishop Antonio Tobias at Fr. Alfonso Valeza ng St. Joseph Parish sa Gagalangin, Tondo, Maynila nitong Miyerkules.
Sa reklamo ni Fr. Valeza, tinangka siyang sakalin ni Bishop Tobias hanggang sa matumba siya. Hinala niya, napag-initan siya at pinapaalis sa parokya dahil sa ginawa niyang akusasyon tungkol sa katiwalian ng ibang pari.
Ngunit ayon kay Fr. Reginald Malicdem, Vicar General, Archdiocese of Manila sinusubukan lamang ni Bishop Tobias na pakalmahin si Valeza sa pagwawala nito matapos na tanggalin sa puwesto.
Inalis umano si Valeza sa parokya dahil sa hindi pagsunod sa utos ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula na sumailalim sa counseling dahil sa kaniyang “unstable personality”.
Bago italaga si Fr. Valeza sa naturang simbahan, may kondisyon ang Cardinal na kailangan nitong sumailalim sa ilang renewal program na makatutulong sa kanyang pagkatao. Aniya, may history of defiance si Fr. Valeza.
Simula Hunyo 5, suspendido na rin mula sa paggamit ng mga priestly faculties si Fr. Valeza.